Wednesday, August 22, 2007

Ilusyong Nar$

Akala ng marami, madali ang pera kapag nars ka sa Amerika. Siguro totoo 'yon 'pag matagal ka nang nagtatrabaho at mainam ang patakbo ng ospital na pinapasukan mo. Pero sa isang nagsisimula pa lang tulad ko, maraming bayarin na kailangan tuparin bago maging financially stable.

Kapag bagong salta ka, halos mamulubi ka sa mga bayarin kaugnay sa pagproseso ng legalidad mo dito. Nariyan ang mga immigration fee para sa gobyerno at lawyer's fee. Puwede ring hindi ka kumuha ng abogado at ikaw na lang ang mag-ayos ng sarili mong papeles, pero mahirap sumabak ng gano'n lalo pa't nasa ibang bansa ka't hindi pamilyar sa mga batas nito. At kapag meron kang mga pending document tulad ng VisaScreen, may mga kaakibat na bayarin din iyon.

Bukod diyan kailangan mo rin magtabi para sa upa sa bahay, kuryente, tubig, telepono, pang-araw-araw na pagkain, at iba pang pangangailangan. Kung may sasakyan ka, na isang pangangailangan dito, may buwanang bayarin iyon. Hanggang ngayon pinag-iipunan ko pa hindi lamang ang pambili ng kotse kundi pati mga monthly payment na kaakibat nito. Buti na lang puwedeng lakarin mula bahay ang ospital na pinapasukan ko.

At hindi lahat ng ospital maganda ang pasahod. Kung matatag ang pundasyong pananalapi nito, maganda ang benepisyo at suweldo; kung palugi, tulad ng sa 'min, titipirin ka sa lahat ng paraang maari. Halimbawa na lang, anim na araw sa dalawang linggo ang tinuturing na regular work period. Kapag pumasok ka ng isa o dalawa pang araw, double time na 'yon at mas malaki ang bayad. Pero sa 'min, magsisimula lang ang double time sa ika-walong araw. At kakaunti ang gumagawa no'n kasi pagod ka na, eh.

Ba't kami nananatili? Inisponsor kami, eh. At kahit natanggap na ng ilan sa 'min ang pinakamimithing green card at bagamat wala namang kontrata, nagpasya kaming manatili para makapundar ng karanasan at kasanayan.

Matapos kong ikuwento na marami akong kailangan ayusin sa apartment ko, sabi ng isang dati kong katrabaho sa Maynila, "Buti ka pa nakabili ka na ng bahay. Makikitira kami kapag nagawi kami diyan, ha." Sa loob-loob ko lang, magdadalawang buwan pa lang akong nagtatrabaho, may sariling bahay na? Sana nga.

Ito naman ang akala ng isang dati kong kamag-aral: "Uy, balita ko nars ka na raw sa Amerika! You must be raking millions!" Ikaw kaya i-rake ko diyan. Tinatawa ko na lang ang konting inis na nararamdaman ko sa mga ganitong sitwasyon.

Nakakadismaya dahil hindi nagtutugma ang pag-aakala nila sa katotohanan. Nakakainis dahil hindi nila batid ang hirap ng paggiging nars sa Amerika. Marahil hindi ko sila masisi dahil ito ang pananaw ng marami, subalit isang matatawag na misguided assumption dahil hindi totoo para sa lahat ng nars.

Mas malala ang kuwento ng iba kong kasamahan tungkol sa mga tao sa paligid nila na nagpaparinig tungkol sa pera. Pinakamasaklap ang walang pakundangan at labis na paghingi ng pera na para bang inuutot mo lang ang dolyar, kung kailan at saan mo "feel" maglabas meron, puwede. Hindi yata nila batid na ang perang pinagpapawisan namin ay ginagamit dito din sa Amerika, alinsunod sa ekonomiya at daloy kalakaran ng bansa.

Nang umuwi si Rosie, niyaya siyang mamasyal sa mall ng mga kamag-anakan. Hindi na niya ikinagulat na siya ang taya tuwing kainan. Ang hindi niya ikinatuwa ay ang pag-udyok ng mga tiyahin niya sa kanilang mga anak: "Sige na, pumili ka ano'ng gusto mo't ibibili ka ni Ate Rosie!"

Gusto naman nang umuwi ng 'Pinas ni Perry para makapiling ang mga mahal sa buhay pero isang "kamahalan" ang gumimbal sa kanya nang makatanggap ng sulat na nagsabing: "Nagpapiyesta kami dito. Sumobrang gastos namin. Padala ka naman. Marami ka na naman 'atang ipon diyan, eh."

At si Marie, buwisit na buwisit tuwing nirereto sa mga lalaki: "Pare nars 'yan! OK yan!" sabay laki ng mga mata at muwestra ng hinlalaki na nagsasabing "aprub!"

Hindi ako tutol sa pagbigay tulong pinansiyal sa mga taong mahalaga sa atin. Maging ako'y nakapagbigay na ng pera sa nanay at mga kapatid nang bukal sa kalooban at walang hinihinging kapalit. At kung mangailangan sila'y hindi ako magdadalawang-isip na muling magpaunlak. Ang tinutukoy ko ay ang pananaw na nag-oobliga o nagdedemanda sa mga nars na maglabas o magbahagi ng pera komo't mas malaki ang kita nila.

Hindi madali ang trabahong nars. Kuwento ni Grace, nang minsang pag-uwi niya sa bahay matapos ang ikatlong araw na trabaho, bigla na lang daw siyang napaupo at napaiyak. Marahil umabot na raw sa sukdulan ang kapaguran niya. Gayundin ang kuwento ni Gerry habang papauwi at naghihintay ng "go" signal sa ilaw trapiko. Siya raw ay napakunot-noo, napatulala, at walang anu-ano'y napaluha.

Lalong hindi madali maging nars sa ibang bansa dahil hiwalay ka sa mga kinagisnang kaibigan, at lalo na kapag hindi mo kasama ang iyong pamilya. Kaya't kami-kami ang nagsisilbing pamilya ng isa't-isa. Sinisikap naming magkita-kita sa kabila ng magkakataliwas na skedyul para magkaroon ng kaunting kasiyahan, mistulang mga OFW sa ibang bansa na nagtitipon-tipon tuwing day off.

Sinulat ko ito para sa kalinawan ng mga may maling akala at sa kapakanan ng mga kapwa ko nars na nagsusumikap dito sa Amerika para maitaguyod ang buhay nila at ng kanilang mga mahal sa buhay.

2 comments:

  1. Hello

    I love your blog.



    Can I add a link to your blog on my blog?
    Which title and url do you want me to add?

    www.restoringLove.com



    May be you will also like my blog, and that you will
    want to support the cause the blog supports:"restoring
    Love". You can also add a link in your blog.

    www.restoringLove.com



    Do not hesitate to give me your opinion and feedback,


    :)



    Kisses and Hughs



    Erik

    ReplyDelete
  2. Thanks, Erik. Your blog is quite interesting I created a link. Customization of my link is up to you; after all, it's your blog. Take care & goodluck. (,")

    ReplyDelete