Tuesday, April 15, 2008

Malungkot

Nag-iisa ako ngayon.
Walang ibang taong kasama.

Ganito nga daw ang buhay Amerika
para sa mga taong nagsipunta rito
para makapagsimula muli,
para makatawid sa kahirapan,
para makapagbagong buhay.

Pero may kaakibat palang kalungkutan
na hindi maarok ang kailaliman.
Akala ko noon hindi ko mararanasan.
Ganito pala.

Nag-iisa ako ngayon.
Walang ibang taong kasama.

Walang kasamang makakakuwentuhan.
Walang kaibigang makakabiruan.
Walang kapatid na makakasabay sa hapag-kainan.
Walang magulang na mag-aaruga
sa oras ng pangangailangan.

Nag-iisa ako ngayon.
Walang ibang taong kasama.

Tanging anino ko lamang ang sumusunod
sa bawat kilos ko't hakbang,
isang aninong walang tinig,
walang mukha,
walang nagmamay-ari
- pagkat puso't ulirat ko'y tulala sa pangungulila.

Nag-iisa ako ngayon.
Walang ibang taong kasama.

Ilaw lamang ang nagdudulot ng init
bilang panlaban sa hamog ng gabi.
Tanging mga kurtinang iniihip ng hangin,
ang yumayapos sa nanlalamig kong katawan.

Ang katahimikan ng dilim
ang nagsisilbing kaulayaw
ng manhid kong isipan.
Luha ko ang pumapawi
sa tila walang hanggang kauhawan
ng aking damdamin.

Nag-iisa ako ngayon.
Nag-iisa.

2 comments:

  1. maraming nagmamahal sa iyo, piet. yan ang gawin mong mantra pag tinatamaan ka ng lungkot. ako man dito. ang alam ko napaghandaan ko na ang lahat ng bagay, pero na-underestimate ko pala ang lungkot. kaya ang bagsik ng haplit sa akin kahit pa kasama ko na ang pamilya ko. kaya mo yan. all the best sa iyo at pamilya mo.

    ReplyDelete
  2. tengsalat, friendship. tunay kang maaasahan kahit ba nasa malayong bahagi ka ng daigdig. pinatutunayan mo ang kasabihang: "malayo ma'y kay lapit din". :) congrats uli sa new addition sa inyong pamilya.

    ReplyDelete