Wednesday, February 21, 2007

Hindi Na Muli

Ideyalistikong Pagninilay-nilay ng Isang Homo Romantiko 4 ng 5

HINDI NA MULI

para kay DJ

Naging gabay ko na sa pagtahak ng buhay
Yakapin ang anumang pag-asang dumalaw
Wari ko’y sayang kung hindi haharapin
Ng buong sigla ang walang kasiguruhang araw

Minsan nang naligaw ang diwa ng pagmamahal
Damdamin at ulirat aking isinugal
Minsan nang nagtiwala sa bulag na pangako
Di ko akalain hangarin palang hangal

Subalit anila sayang kung palalagpasin
Ang anumang dumaan na pagkakataon
Mas mainam na raw na sumubok at magpunyagi
Ano man ang kalabasan pagdating ng panahon

At nangahas nga akong lumusong muli sa tubig
Naglakas loob akong magtiwala sa damdamin
Binuksan ang mata sa sinag na nakasisilaw
Naglapat ng bakas sa mainit na buhangin

At hindi nga ako nagkamali sa aking hinala
Bakit nga ba hindi ako magkandatuto?
Ang pangakong inialay ng mistulang pag-irog
Anino lang pala ng isang malabangungot na multo

Ayoko na, ayoko na, hindi na muli aasa
Nalumpo na ako sa paghabol sa sikat ng araw
Nanamlay na ako sa pagyakap sa bawat sandali
Sa gubat ng kapalaran titigil ang sayaw

Bahala nang dumating ang sinumang sira-ulo
Na sa ‘king mga kamay ang pusong nakahimlay
Ikukubli sa baul na pagdadaanan ng panahon
Buong pugay itatapon sa dagat ng walang malay

Mata ko’y nakapiring sa daraang kagandahan
Magbibingi-bingihan sa awiting maririnig
Karaniwang pananim sa gubat ng mga kaluluwa
Saka na tatamasahin ang tamis ng bagong dilig

Pero upang masilayan ang nagmamadaling mundo
Ang aking kaluluwa'y may dungawang bintana
Hahayaang lumipas ang lahat sapagkat
Ang kaisang-dibdib ay nasa dulo ng tadhana

Disyembre 2000

No comments:

Post a Comment