Ideyalistikong Pagninilay-nilay ng Isang Homo Romantiko 3 ng 5
MULI
para kay Vince
Muli nagbabanta ang tadhana na nariyan siya sa tabi-tabi
Tinitibok ng puso kahit hindi nasisilayan ng hubad na mata
Subalit minsan na akong nilinlang ng tadhanang mapanukso
Kailan ba darating ang tunay na sinag ng papalayong umaga?
Takot akong harapin ang pagkamaaari ng kanyang pagparito
Sa landas kong tinahak ng mag-isa noon unang panahon pa
Ang paglalakbay ng kanyang anino ay isang mistulang halimuyak
Hinihimok akong magtiwala muli sa tadhanang walang bahala
Noon pa’y nagpunyagi na akong magpahayag ng aking paghanga
Sa isang nilalang na inakala ko ay yaon nang nilikha para sa ‘kin
At sa pagkakataon ngang yao’y kabiguan ang aking hinarap
Ang inakalang katuwang sa buhay’y sumabay sa dumaang hangin
Pansamantala ko nang inilibing ang pag-asa sa sinumang dumating
Tiwala akong ang pagtatagpo nami’y hindi pa napapanahon
Pasya ko’y anu’t-anupa ma’y paparito rin ang pusong itinakda
Hindi ako bibiguin ng tadhana pagdating ng dapithapon
Pero bakit muling nagbabadya ang pagkahumaling ng aking puso
Sa isang kaluluwang hindi kilala subalit nakahahalina?
Sadyang maikli ang panahong nagdaan upang pag-asa’y dumalaw
Maaga pa upang muling lumihis ng daan. Sana’y huwag muna.
Payo ko sa ‘king sarili’y humimlay muna sa kaguluran ng puso
Sa isang pook malayo sa paningin at pansin ng sanlikha
Sinupamang bumisita’t kumatok sa damdaming nagpapahinga
Hindi pagbubuksan ng pintuan ano man ang kulay ng mukha
Subalit maigting ang tinig ng mga dambana sa kanyang pagdaan
Tinatawag ang aking diwa na makinig sa pag-aalay ng pag-ibig
Mahirap talikuran ang awitin ng pag-irog sa’n man nagmumula
Lalo na yaong likas sa puso, pati sa kaluluwa’y nakatitig
O, siya. Bahala na. Kung sadya ngang mangyayari ito
Kung hindi man kaming dalawa’y itinadhana pa rin aming pagtatagpo
Hinahagis ko na ang anumang pangamba sa hanging bumabagtas
Sa buhay sa mundong ibabaw ng pangkaraniwang tao
Magiging matatag ako. Karamay ko ang aking manlilikha
Halina sa piling ko kaluluwang malayo ang pinaggalingan
Ikaw ma’y tulad kong may dahilan ang pagkaluwal sa mundong ito
Sabay nating tahakin at harapin ang anumang hamon ng kinabukasan
Hulyo 2000
No comments:
Post a Comment