Wednesday, February 07, 2007

Ikaw Na Nga Ba?

Ideyalistikong Pagninilay-nilay ng Isang Homo Romantiko 2 ng 5

IKAW NA NGA BA?

para kay Mark

Parang kahapon lamang nang ako’y maghintay
Ang aking nasisilaya’y ikaw na nga ba, mahal ko?
Parang panaginip, guni-guni, malikmata
Sarili ko, huwag linlangin ang sarili mo

Di yata’t kay bilis ng tugon ng bahaghari
Anu’t ano pa man ibig kong sundan, tahakin
Parang kay lapit mo, ngunit kay layo din
Huwag sana simbilis din maglalaho sa hangin

Iglap ng isang sulyap, aruga ng isang pangako
Ikaw na nga ba ang nilalang na pinakahihintay ko?
Sarili ko mag-ingat, maghunus-dili, mag-isip
Ngunit hanggang sa dulo ng buwan, sige, sundan ang bahaghari

Ano’ng anyo ng ‘yong mukha, kulay ng iyong kalul’wa?
At samu’t-sari pang mga tanong ng puso kong galak
Ano ang naghihintay sa dulo ng paghihintay?
Alamin, tuklasin ang lihim ng langit

Nangangamba ako, nag-aalala, totoo
Ikaw na nga ba ang tugon sa maalab kong panalangin?
Pait man o tamis ng tadhana nanamnamin
Upang mabatid, itong daan ang tatahakin

Pasasalamat ko ibubulong sa mga ulap
Sakaling ikaw na nga ang ipinagkaloob sa akin
Buong tapang at galak, haharapin ang bagong umaga
Sa wakas paghihintay ay may kabuluhan din

Subalit malayo pa ang pagsabog ng liwanag
Ikaw na nga ba ang tanglaw sa madilim kong langit?
Nagtitiwala akong naghihintay ka rin
Tulad ng pangakong isinumpa sa hangin

Buong-buo ang pagkatao, nandirito ako
Kailanman ‘di ko ikapapagod ang paghihintay sa ‘yo
Diwa ng lahat ng ito ano nga ba talaga?
Mahal ko’y ikaw na ba? Sana nga, ikaw na.

Oktubre 1999

No comments:

Post a Comment