Wednesday, February 28, 2007

Karimlan

Ideyalistikong Pagninilay-nilay ng Isang Homo Romantiko 5 ng 5

KARIMLAN

para sa aking sarili

Sumuko na ang araw
Nalusaw sa dulo ng karagatan
Gumapang na ang dilim
Nilamon aking katauhan

Umasa ako sa buwan
Subalit wala ito upang magsilbing tanglaw
Lumingon ako sa mga tala
Ngunit matamlay kanilang kinang

Nakabibinging katahimikan
Pumupunit sa karimlan
Nakabubulag na kadiliman
Bumibilanggo sa 'king katawan

Sumasagad hanggang buto
Malamig na ihip ng hangin
Eto na naman ako
Binubuwang ng sariling damdamin

Marahil ito na'ng sukdulan
Pagpapa-alipin sa 'king emosyon
Mapait palang katotohanan
Inasahan kong ilusyon

Lakas ko nito'y hinihigop
Lupasay ako sa panghihina
Kalul'wa ko nito'y dinudurog
Ulirat ko'y nangungulila

Patuloy ang pagkapit
Sa madilim na pangitain
Patuloy ang pagbulusok
Sa walang hanggang bangin

Lumalalim na ang gabi
Lumulutang sa kawalan
Nawawala sa sarili
Nilulunod ng karimlan

Nobyembre 2001

No comments:

Post a Comment