Thursday, February 01, 2007

Hintay, Mahal

Ideyalistikong Pagninilay-nilay ng Isang Homo Romantiko 1 ng 5

HINTAY, MAHAL

para kay John

Maghintay ka sa ‘kin, o kalul'wang ipinagkaloob
Huwag mabahalang 'di pa ‘ko nasisilayan
Darating ako, pangako ng puso ko
Magtiwalang ang biyaya ng tadhana’y nasa atin

Maraming naliligaw sa maling akala
Padalus-dalos na kilos at pagwawalang-bahala
Lakasan mo’ng iyong loob alang-alang sa ‘ting dal’wa
Ako ma’y maghihintay rin sa halik ng umaga

Kung sabihin kong mahal kita maniniwala ka ba
Gayong ‘di ko pa nasisilayan ang iyong kaluluwa?

Maghintay ka sa akin, o kaluluwang ipinagkaloob
Ang lahat ng bagay ay nasa panahon
May kadahilanan ang bawat sandali
Ang bawat hampas ng alon, bawat pagaspas ng dahon

Ang kapangyarihan ng ating pagmamahalan
Anumang unos ang dumating lahat hahamakin
Tulad ng apoy ng araw at tubig ng dagat
Pagdating ng takip-silim sa wakas magtatagpo rin

Matulog ka ng mahimbing, kaluluwang katuwang
Parang panaginip lamang itong pagkahimbing
At sa sandaling humalik na ang bukang liwayway
Ako’y nasa tabi mo, hinihintay ang iyong paggising

Ano man ang maging takbo ng ating buhay sa mundong ito
Umasa kang ikaw lamang ang aking sisintahin
Sino ka pa, ano ka pa, saan at kailan ka pa
Walang kikilalaning hadlang ang aking damdamin

At kung sa dapit-hapon ng buhay na tayo magtatagpo
Babagyuhin ko ang langit ng aking pasasalamat
Hindi ako babaling ng lingon kahit kanino pa man
Katawan ko, puso ko, kaluluwa ko, akin at iyo lamang

Marso 1999

No comments:

Post a Comment